Trabaho para sa kababaihan, hiling ng mga nanay sa Brgy. Mat-i
Leni Robredo· Wednesday, January 25, 2017
[Source: Facebook Notes]
Nagtrabaho sa Maynila si Rosalee ng ilang taon bago nagdesisyong bumalik muli sa Brgy. Mat-i, Surigao City. Dito sa maliit na bayan sa Surigao del Norte siya pinanganak at dahil nangarap siyang matuto at makapag-ipon, buong tapang niyang nilisan ang kanyang bayan at lumuwas ng Maynila.
Sa tahimik na Brgy. Mat-i bumalik si Rosalee. Ngayon ay 17- at 6-taong-gulang na ang kanyang dalawang anak.
"Maraming bata sa amin, pero sa akin dalawa lang... Kasi nga sa kahirapan. Kapag marami ka mag-anak, ikaw din ang mahihirapan," paliwanag ni Rosalee.
Matalino at higit sa lahat, masikap si Rosalee. Nakapagtapos siya sa Alternative Learning System ng Department of Education nitong 2016 at gusto pa niyang mag-aral sa TESDA pero may kalayuan ang center sa kanila, at wala silang perang pangtustos sa pamasahe.
"Gusto naming makapag-aral sa TESDA para makatulong sa pamilya. Ang hirap kasi ng sinusubukan naming trabaho, ung naghahanap ng ginto... Gusto namin mayroon talaga kaming pagkakakitaan, hindi yung mga lalaki lang [ang may pagkakakitaan]," aniya.
Maraming ina ng tahanang tulad ni Rosalee sa Brgy. Mat-i ang nagsusumikap makahanap ng pagkakakitaan para makatulong sa kanilang mga asawa. Kahit na may mga programa ang gobyerno sa kanilang bayan, kung wala silang pag gagamitan ng kanilang mga natutunan, hindi ito makakatulong sa pamumuhay ng bawat pamilya sa komunidad.
Ito ang inilapit ng mga nanay sa Brgy. Mat-i nang bumisita si VP Leni. Mayroong mga pagkakataong kanilang mapagyayaman ang kaalaman para sa kabuhayan, ngunit walang-mapag gagamitan. Kailangan nilang tulungan ang kanilang mga asawa, kailangan ng mga nanay ang suporta sa kanila para kumita at maalagaang lubos ang kanilang pamilya.
Ika nga ni Rosalee, "Maganda dito sa amin, ibang-iba sa Maynila. Kaya binalikan ko talaga. Sana nga lang may trabaho. Iyon lang ang gusto ko sa Maynila noon eh, may trabaho. Sana dito, mayroon na din."
ConversionConversion EmoticonEmoticon