Pag-asa sa Tinig ng mga Mamanwa ng Surigao del Norte - Robredo

 

Pag-asa sa Tinig ng mga Mamanwa ng Surigao del Norte

Leni Robredo · Thursday, January 26, 2017


[Source: Facebook Notes]
"Kailangan namin ng kabuhayang may kitang sapat, at pwede naming asahan pangtustos sa aming pamilya."

Katulad ni Datu Demetrio Balocloc Jr., karamihan ng mga kalalakihan sa tribo ng Mamanwa ay kumukuha ng pang araw-araw na gastusin sa pagmimina ng ginto. Walo hanggang sampung oras silang nakababad sa ilog, nagsasala para lang sa kakaunting gramo ng gintong maaring maibenta sa kakaunti halaga, para makabili ng pagkain.

"Hindi araw-araw mayroon kang makukuha. Kung wala, maghahanap kami ng ibang pagkakakitaan pansamantala," ika ni Datu Demetrio.


Ang mangilan-nilang mapalad na may motor, nakakapamasada pang habal-habal kapag walang minang ginto. Ang iba naman ay nagkakarpintero---ngunit hindi pa din sapat.

At kung wala ring masalang ginto, lalong walang trabahong maitulong ang mga kababaihan.

"Maliban sa kawalan ng pagkakakitaan lalo na para sa mga kababaihan, problema din ang kakulangan ng gamot at iyong pagbili kung meron man," aniya ng isang barangay health worker na si Myrna Bacu.

Mayroong health center sa Brgy. Mat-i, pero kulang ang gamot para sa lahat ng residente. Sa mga pagkakataong hindi kakulangan ang problema, ang mga Mamanwa naman ay nahihirapang bumili dahil kakaunti lang sa kanila ang may alam na may health center na mapupuntahan para mabigyan sila ng reseta at makabili ng gamot. Hirap din ang karamihan sa kanila ng magbasa at magsulat.

Dahil walang trabahong maayos ang mga Mamanwa, walang perang pangtustos sa pag-aaral ang karamihan sa mga pamilya. Hindi lahat nakakapag-aral. Para kay Alfredo Dayong, kailangan sana ng elementaryang para sa mga Mamanwa.

Trabaho, programang pangkalusugan, at edukasyon---ang tatlong pinaka importanteng bagay na idinulog ng tribong Mamanwa ng Brgy. Mat-i, Surigao City sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo noong siya'y bumisita sa kanila. Kung dati'y ang problema ay nariyan lamang at walang solusyon, ngayo'y narinig na ito at diretso nang ginagawan ng paraang malutas.

"Mabuti naman at kahit papano'y nabisita kami," sabi ni Alfredo. Masaya sina Datu Demetrio, Myrna at Alfredo at kahit papano, napakinggan na sila. Kaunting tiis na lamang para sa mga Mamanwa, may hinarap nang magandang kinabukasan. Kaunti nalang, mararamdaman na ang dala ng bagong namuong pag-asa.


Previous
Next Post »

Search This Blog